MANILA, Philippines — Handang-handa na ang pamahalaan sa ipatutupad na seguridad sa nakatakdang pagdaraos ng ika-31 Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit at East Asia Summit sa Pilipinas sa susunod na linggo matapos na isagawa sa Quirino Grandstand sa Luneta ang “send-off ceremony” para sa may 59,276 security contingent mula sa Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang ahensya ng pamahalaan kahapon.
Alas-7:00 ng umaga nang simulan ang seremonya sa pamamagitan ng banal na misa na sinundan ng pagpapailaw ng blinkers ng mga sasakyan at pagpapatunog ng sirena ng mga mobile na gagamitin sa summit.
May makulay na water canon salute ang Bureau of Fire Protection (BFP) habang isang demonstrasyon naman ang ipinamalas ng Civil Disturbance Management ng PNP sakaling sabayan ng mga rally ng mga aktibista ang summit.
Dinaluhan ang pagtitipon nina Exec. Sec. Salvador Medialdea, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Interior and Local Government officer-in-charge Catalino Cuy, PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa at iba pang opisyal.
Sa idinaos namang press briefing, tiniyak ni Cuy, tumatayong chairman ng ASEAN Committee on Security, Peace and Order, Emergency Preparedness and Response na nakalatag na ang mahigpit na seguridad na inihanda nila laban sa lahat ng posibleng physical at cyber threats laban sa summit.
Plantsado na rin aniya ang “stop and go scheme” na ipatutupad ng Metro Manila Development Authority sa North Luzon Expressway (NLEX) tuwing daraan ang convoy ng ASEAN delegates papunta at pabalik mula sa Clark International Airport sa Pampanga, kung saan lalapag ang mga delegadong dadalo sa summit.
Magkakaroon rin aniya ng “lock down” sa mga lugar kung saan magpupulong ang mga delegado, gayundin sa mga hotel na tutuluyan ng mga ito, bagama’t wala namang plano na i-jam ang signals, tulad nang ginawa noong dumalaw sa bansa si Pope Francis.
Ayon kay Cuy, hindi naman na bago sa Pilipinas ang magbigay ng mahigpit sa seguridad sa mga mahahalagang international events, tulad na lang ng 2015 Papal Visit, APEC meetings at maging ang Miss Universe.
Gayunman, hindi aniya dahilan ang mga tagumpay na ito upang maging kampante sila at sa halip ay dapat pang magsilbing hamon para mapantayan pa o di kaya’y malagpasan pa ang mga naturang accomplishments.
Samantala, nanawagan naman sa publiko si ASEAN 2017 National Organizing Council head Marciano Paynor, partikular na sa mga motorista na huwag nang subukang harangan o sabayan ang ASEAN convoy upang hindi makaabala.
Nauna rito, idineklara ng Malacañang na special non-working days ang Nobyembre 13 hanggang 15 sa Metro Manila, Bulacan at Pampanga dahil sa ASEAN summit habang una na rin namang sinuspinde ng Metro Mayors ang mga klase sa lahat ng antas sa Metro Manila sa Nobyembre 16 at 17 dahil pa rin sa naturang mahalagang pagtitipon.