MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni Senate President Koko Pimentel na hindi na kailangan pang dumaan sa makapangyarihang Commission on Appointments si Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ayon kay Pimentel, ang pagtatalaga sa presidential spokesperson katulad ng presidential legal counsel at executive secretary ay dapat 100 porsiyentong ipaubaya sa discretion o kagustuhan ng Pangulo.
Sinabi pa ni Pimentel na sa kanyang opinyon hindi na dapat kumpirmahin ng CA ang presidential spokesperson dahil hindi naman ito nagpapatakbo ng isang departamento.
“The presidential spokesman in my opinion need not be confirmed anymore by the CA. The presidential spokesman does not run a department like the other secretaries,”ani Pimentel.
Tumanggi naman si Pimentel na magkomento sa sinabi ni Roque na mambabato siya ng hollow blocks sa mga kritiko ng Pangulo.
“Binibigyan ko na po ng notice ‘yung mga walang hiya diyan na naninira lamang. Kung dati-rati hindi kayo nababato bagamat kayo’y nambabato, ngayon po maghanda na kayo dahil kung kayo’y nambato, hindi lang po bato itatapon ko sa inyo, hollow blocks,” naunang sinabi ni Roque.
Samantala, inamin ni Roque na ang kauna-unahang marching order sa kanya ni Pangulong Duterte ay palaging gawin ang tama at huwag magsinungaling.
“Stick for what is right for the country and never lie. Stick to the truth. Do not lie,” sabi ni Roque nang tanungin siya kaugnay sa unang kautusan sa kanya ng Pangulo.
Umaasa rin si Roque na magkakaroon siya ng “healthy, fun” working relationship sa media sa kanyang bagong trabaho.
Aniya, magtatalaga rin siya ng deputy presidential spokesman na isang ‘millennial’ at isang magaling na law student.
“I am naming a deputy because I want to build a connection between a 72-year-old president and the young generation,” dagdag ni Roque.
Tiniyak din nito na walang mawawalan ng trabaho ngayong Pasko sa kanyang magiging staff.