MANILA, Philippines — Sa kabila ng malakas ng ulan, marami pa ring Pinoy ang bumisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay sa ilang sementeryo sa Metro Manila nitong Undas.
Pero hindi kasing-dami noong mga nakalipas na Undas, kung kailan maganda ang panahon, umabot pa rin sa daang libo katao ang nagtungo sa mga sementeryo kahit pa masama ang panahon at nagpuputik at baha sa loob ng mga sementeryo, upang magtirik na ng mga kandila at mag-alay ng mga bulaklak at dasal para sa kanilang mga yumao.
Sa Maynila, malaki ang ibinaba ng mga taong dumalaw sa puntod ng kanilang mga namayapang kaanak sa apat na malalaking sementeryo sa lungsod.
Taliwas sa inaasahang pagdagsa ng humigit kumulang sa 1.5 milyon sa pinakamalaking sementeryo sa Manila North Cemetery, umabot lamang ng humigit kulang sa 600,000 ang crowd estimate dakong alas 5:00 ng hapon kahapon (Nobyembre 1).
Noong Nob. 1, 2015 ay nakapagtala ng tinatayang 1.8 milyon ang dumagsa sa Manila North Cemetery habang sa kaparehong petsa noong nakalipas na taon ay nasa mahigit 1-milyon ang dumagsa.
Sa Manila South Cemetery ay umabot sa 130,000 ang crowd estimate, sa Chinese Cemetery ay mahigit sa 6,000 habang sa La Loma Catholic Cemetery ay nasa mahigit 10,000.
Ayon sa mga opisyal ng sementeryo, malaki ang epekto ng pagbuhos ng ulan sa kung bakit mababa pa rin ang bilang na naitatala, gayundin ang ilan ng naunang bumisita kahapon at noong Biyernes.
Samantala, aabot naman sa 73,700 katao ang dumagsa sa apat na pribadong sementeryo sa Southern Metro Manila.
Sa crowd estimate ng Southern Police District (SPD), tinatayang nasa 23,000 katao ang dumagsa sa Manila Memorial sa Parañaque City habang sa Loyola Memorial Park, Parañaque City ay nasa 3,500 ang nagtungo rito.
Nasa 38,200 naman ang nagtungo sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City at umabot sa 9,000 katao ang dumagsa sa Heritage Park.
Naging mapayapa naman ang paggunita ng Undas sa kabuuan.