MANILA, Philippines — Nangako kahapon si Japanese Prime Minister Shinzo Abe na susuporta sa Pilipinas sa gagawing rehabilitasyon sa Marawi City na nawasak dahil sa matinding bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute/ISIS inspired terrorist group.
Dumating si Pangulong Rodrigo Duterte sa Tokyo, Japan dakong alas-2:45 ng madaling-araw kahapon para sa kanyang 2-araw na opisyal na pagbisita at mainit siyang sinalubong nina Japan Minister of Foreign Affairs Kazuyuki Nakane, Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda, Phil Ambassador to Japan Jose Laurel V at Deputy Chief of Mission Eduardo Menez.
Kasama ng Pangulo ang kanyang partner na si Cielito “Honeylet” Avancena, anak na si Veronica at mga miyembro ng kanyang Gabinete kabilang si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pagbisita sa Japan.
Nagkita at nagpulong kahapon sina Duterte at Abe sa opisyal na residence ng nasabing prime minister.
Sa inilabas na joint statement matapos ang pulong ng dalawang lider, sinabi ni Abe na handa ang Japan na tumulong sa Pilipinas upang maibangon muli ang Marawi City at sa iba pang proyektong imprastraktura ng bansa.
“The Government of Japan recognizes that rehabilitation and reconstruction of the City of Marawi and is extremely important,” ayon sa statement.
Nag-alok din ang Japan ng tulong para sa iba pang proyektong imprastraktura ng bansa kabilang na ang posibilidad na pagpapa-utang ng 600 bilyong yen upang mapondohan ang gagawing subway sa Maynila.
Kabilang din sa kanilang tinalakay ang mga karaniwang mga isyu kabilang na ang seguridad at depensa ng magkabilang panig kasama na ang usapin sa Korean Peninsula.
Nabatid na si Duterte ang kauna-unahang lider o opisyal ng isang bansa na bumisita kay Abe matapos ang matagumpay na pagkakapanalo ng huli sa snap election sa Japan.