Guerrero bagong AFP chief

MANILA, Philippines — Itinalaga na ni Pangulong Duterte si Eastern Min­danao Command Chief Lt. Gen. Rey Leonardo Guerrero bilang bagong Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff.

Papalitan ni Guerrero si Gen. Eduardo Año na magreretiro na sa serbisyo.

Si Guerrero na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1984 ay dalawang buwan lang hahawakan ang posisyon dahil nakatakda rin itong magretiro sa Disyembre.

Sinabi naman ni Año na ‘in good hands’ ang AFP sinuman ang maging successor niya sa puwesto.

Una nang naipangako ni Pangulong Duterte kay Guerrero ang puwesto noong Hunyo 2 kung saan pinagreretiro nito ng maaga si Año pero nabulilyaso ito sa pagputok ng Marawi siege na tumagal ng limang buwan.

Naging mahigpit na karibal ni Guerrero si AFP Western Mindanao Command Chief Lt. Gen. Carlito Galvez Jr.

Isasagawa ang turnover ceremony ngayong araw kung saan panauhin si Pangulong Duterte.

Show comments