MANILA, Philippines — Apat na tripulanteng Pinoy ang kabilang sa anim na crew ng isang German container vessel na dinukot ng mga pirata habang naglalayag sa karagatang sakop ng Nigeria.
Sa ulat ng Ukranian Foreign Ministry na nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA), bukod sa apat na Pinoy ay kasama sa mga kinidnap ng mga pirata ang isang Ukrainian at isang Hungarian national.
Ayon sa ulat, inatake ng mga armadong pirata ang naturang sinasakyang barko ng mga Pinoy noong Sabado ng madaling-araw habang patungo sa isang pantalan ng Nigeria.
“Six of the crew were taken off the ship and they are now held by kidnappers in Nigeria,” ayon sa tagapagsalita ng kumpanyang nagmamay-ari ng Peter Doenhle Schffarts KG carrier na sinakyan ng mga tripulante.
Sumampa umano ang mga armadong pirata sa barko at kinuha ang anim na tripulante habang naiwang ligtas ang kanilang 12 na kasamahan. Walang German national na nadukot o nasaktan sa insidente.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman Robespierre Bolivar, nakikipag-ugnayan na ang Embahada ng Pilipinas sa manning agency ng mga tripulanteng Pinoy at sa Nigerian authorities para kumpirmahin ang ulat at masiguro ang kaligtasan ng mga dinukot na Pinoy.