MANILA, Philippines – Nanawagan si Sen. Bam Aquino sa rural banks na palawakin pa ang suporta at serbisyo sa mas marami pang maliliit na negosyo lalo na’t marami negosyante ang nangangailangan ng pautang na makatutulong sa paglago ng kanilang mga negosyo.
Hiniling ito ni Aquino sa kaniyang talumpati sa 60th Charter Symposium ng Rural Bankers Association of the Philippines (RBAP) kamakailan.
“Nagpapasalamat ako sa RBAP sa inyong pagsisikap na maabot ang ating mga kababayang nangangailangan ng serbisyong pinansiyal. Marami pa po ang nangangailangan ng ating tulong,” wika ng senador.
Sa kanyang panahon bilang social entrepreneur, sinabi ni Aquino na ang kakulangan sa pautang ay malaking hamon para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) dahil ito’y hadlang sa kanilang paglago.
“So when I became a senator, we focused on policies that can help support our MSMEs in the Philippines,” dagdag niya.
Isa sa mga ito ay paghahanap ng paraan upang maiugnay ang MSMEs sa financial institutions, tulad ng rural banks, para tulungan silang maghanap ng bagong kapital para makapagsimula o makapagpalaki ng negosyo.
Sa kanyang apat na taon bilang senador, isinulong ni Aquino ang pagsasabatas ng Republic Act 10644 o ang Go Negosyo Act, ang una sa kanyang 19 na batas bilang mambabatas.
Itinatakda ng batas ang pagtatayo ng Negosyo Centers sa bawat lungsod, munisipalidad at lalawigan sa bansa para suportahan ang mga entrepreneurs.
Sa kasalukuyan, mahigit 600 na ang Negosyo Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa na nag-uugnay sa MSMEs sa mga supplier at merkado, nagbibigay ng training at iba pang suporta at ikonekta sila sa pagkukunan ng kapital at pautang.
Bilang principal sponsor at co-author, isinulong din ng senador ang pagpasa ng Republic Act 10679 o ng Youth Entrepreneurship Act , na itinatakda ang pagtuturo ng financial literacy at entrepreneurial training sa mga paaralan.
“This will help groom young Filipinos to be responsible with their money and savings,” sabi ni Aquino na nakapagpasa rin ng Philippine Competition Act, Foreign Ships Co-Loading, Microfinance NGOs Act at Credit Surety Fund Cooperative Act.