Marawi war tatapusin ngayon! - AFP
MANILA, Philippines — Pormal nang idedeklara ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na “totally free” o tapos na ang giyera sa Marawi City at wala na ring baril na puputok sa lungsod.
Ito ang inanunsiyo kahapon ni AFP Western Mindanao Command chief, Lt. Gen. Carlito Galvez Jr..
Ang hakbang ng AFP ay kasunod na rin sa pag-pullout kahapon ng Marine Landing Battalion Teams at Marine Special Operations Group.
Ang nasabing tropa ay babalik na sa kanilang mother unit sa Philippine Marine Corps headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig City na sasabak sa panibagong re-training bago muling ideploy sa panibagong assignment.
Gayunman aminado ang heneral na hindi pa masasabi na “totally completed” na ang kanilang misyon.
Aniya, meron pa umanong ilang personalidad na kaanib ng mga terorista ang hinahabol, pero kayang-kaya na ito ng mga matitirang tropa ng pamahalaan sa main battle area.
Sinabi ni Galvez na limang prominenteng lider na lamang ng ISIS na sina Amin Bako, isang Malaysian at Ibno Kayin, Indonesian gayundin ang tatlong anak ni Isnilon Hapilon ang kanilang target na namumuno sa tinatayang nasa 20 na lamang Maute-ISIS fighters sa battle zone.
“We are confident matatapos natin eto hanggang Linggo (Oktubre 22), konti na lang ang target ng ating tropa, kakayanin natin eto para finally eh we can declare Marawi City totally free, no more terrorists and no more armed clashes, wala nang baril na puputok,” ani Galvez.
Sa kasalukuyan, apat na lang na pawang mga lalaki ang nalalabing hostage ng mga terorista na nagkukubli sa tatlo na lamang gusali sa battle zone.
Inihayag naman ni AFP spokesman Major Gen. Restituto Padilla Jr., na wala ng lulusutan ang mga terorista dahil napapalibutan na ang mga ito ng tropang gobyerno kaya wala na ang mga itong pagpipilian pa kundi ang ibaba ang kanilang mga armas at sumuko.
“Sila naman ay cornered na, wala na silang lalabasan. Wala na silang pinupuntahan. Kaya hinihimok natin silang sumuko na lang,” sabi pa ng opisyal.
Nitong Oktubre 17 idineklara ni Pangulong Duterte na “liberated” na sa mga terorista ang Marawi makaraang mapatay ang mga kilabot na kumander ng Maute-ISIS inspired group na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Bago ito, sinabi naman ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na tinatayang nasa P5 bilyon na rin ang nagagastos ng militar sa giyera sa Marawi.
- Latest