Marawi rehabilitation simula na

Aabot sa P50 bilyon ang kinakailangan upang maisaayos ang lungsod ng Marawi. AFP, file photo

MANILA, Philippines – Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng isang ahesiya na tututok sa mabilis na pagbangon ng Marawi City kasunod ng pagkakalaya nito mula sa terror group na Maute-ISIS.

Sa bisa ng Administrative Order No. 3 ay nabuo ang Task Force Bangon Marawi na binubuo ng 23 iba't ibang ahensya ng gobyerno sa pangunguna nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Public Works and Highways Secretary Mark Villar.

Ilan sa mga pangunahing tungkulin nito ay ang pag-organisa at pagbuo ng quick response team na naglalayong matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya kabilang ang pagpapatayo ng mga tirahan.

Aabot sa 78,466 pamilya ang apektado ng kaguluhan mula pa noong Mayo.

Kasama rin sa tungkulin ng programa ang serbisyong pangkalusugan, sanitasyon, pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga residente.

Nitong nakaraang buwan naman ay sinimulan na ang pagpapatayo ng mga transitional shelters sa Brgy. Sagonsongan na may laking 14 ektarya na inaasahan na makukumpleto bago magtapos ang buwan ng Oktubre.

BASAHIN: China handang tumulong sa Marawi rehabilitation

Samantala, ang Housing and Urban Development Coordinating Council at National Housing Authority naman ay magpapatayo ng 1,175 tahanan para sa mga residente.

Ayon kay Lorenzana, naglaan ang gobyerno ngayong taon ng P5 bilyon para sa rehabilitasyon ng Marawi City habang may darating pa na P10 bilyon sa susunod na taon.

Inamin naman ni Lorenzana na hindi ito sapat dahil aabot sa P50 bilyon ang kinakailangan upang tuluyang maisaayos ang lungsod.

Halos limang buwan na ang kaguluhan sa Marawi City na nag-ugat sa paglusob ng Maute terror group.

Dahil dito ay isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Mindanao sa martial law na magtatagal hanggang katapusan ng taon.

Nitong Lunes lamang ay napaslang ng mga militar ang mga pinuno ng terror group na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.

Kinabukasan ay idineklara ni Dutere na malaya na ang lungsod mula sa mga terorista.

Show comments