Martial law sa Mindanao pag-aaralan pa kung aalisin
MANILA, Philippines — Pag-aaralan pa ng Department of National Defense (DND) kung maari nang irekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatanggal ng martial law sa Mindanao.
Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kasunod ng pagkakapatay ng militar kahapon sa Marawi City ang top 2 high value targets na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
“Malapit nang matapos yung marawi incident natin and we may announce the termination of hostilities in a couple of days,” ani Lorenzana.
Ang martial law sa buong Mindanao Region ay idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 23 ng taong ito matapos na lumusob at maghasik ng terorismo ang Maute-ISIS terrorists group sa lungsod ng Marawi. Nagtapos ang 60 araw na martial law noong Hulyo 22 pero sa pamamagitan ng botohan sa Kongreso ay pinalawig ito hanggang Disyembre 31, 2017.
Kaugnay nito, pinababawi na ni Magdalo Rep. Gary Alejano kay Duterte ang idineklara niyang batas militar sa buong Mindanao.
Ito aniya ay upang maibalik na rin ang normal na sitwasyon sa Marawi City at makabalik na rin sa kani-kanilang mga bahay ang mga nagsilikas na Maranao.
Samantala, naniniwala si PBA partylist Rep. Jericho Nograles na matatapos na ang umiiral na martial law sa Mindanao bago sumapit ang Pasko.
Ayon kay Nograles, ang pagkamatay nina Hapilon at Omar ay magiging dahilan para sumuko ang natitira nilang kasamahan.
Sinabi ni Nograles dapat nang tumutok ang pamahalaan sa pagbangon ng Marawi at umasa na maghihilom din ang sugat na dulot ng giyera doon.
- Latest