MANILA, Philippines — Isinusulong na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong ipagbawal sa management ng mga establisimiyento na makihati sa tip na ibinibigay mula sa kanilang mga kustomer.
Sa Senate Bill 1299 na inihain ni Senator Joel Villanueva, nais nitong amyendahan ang Article 96 ng Labor Code kung saan iniuutos na ibigay sa mga empleyado ang 85 porsiyento ng nakokolektang service charge at tips mula sa mga customers ng mga hotels, restaurants at iba pang kahalintulad na establisimiyento samantalang 15 porsiyento naman ang napupunta sa management.
Ayon kay Villanueva, dapat lamang na mapunta ang 100 porsiyento ng mga tips at service charge ng mga customers sa mga empleyado.
Tinalakay na ng Senate committee on labor, employment, and human resources development na pinamumunuan ni Villanueva ang panukala noong nakaraang buwan at inaasahang pagpapalabas ng committee report sa mga susunod na araw.
Idinagdag ni Villanueva na maliit na bahagi lamang ng total income ng mga establisimiyento ang service charge at tip kung kaya marapat na mapunta ang kabuuan nito sa mga empleyado ng mga hotels o mga waiters sa restaurants. Aniya, kalimitan ay mga “minimum wage earners” ang mga nagtatrabaho sa mga restaurants at hotels at malaking tulong na sa kanila ang natatanggap na tip.