Danley nasa US na
MANILA, Philippines — Nakarating na sa Los Angeles mula sa Pilipinas ang Fil-Aussie na si Marilou Danley na sinasabing nobya ni Stephen Paddock, ang American billionaire na pumatay ng may 59 katao sa Las Vegas Strip sa kasagsagan ng music festival concert sa harap ng Mandalay Bay Hotel and Casino sa Nevada.
Sinabi ni Bureau of Immigration Ports Operation Division chief Red Marinas, minonitor lang nila si Danley, 62, sa pagsakay ng eroplano hanggang sa lumipad ito patungong Los Angeles dahil wala naman itong kasong nagawa sa bansa para pigilan siya sa pag-alis.
Nabatid na umalis sa Manila si Danley ng walang eskort nitong Martes ng gabi para sa non-stop flight lulan ng Philippine Airlines flight PR 102 at patungong Los Angeles International Airport.
Ang pag-uwi ni Danley sa US ay may koordinasyon umano ng FBI authorities at para klaruhin ang kanyang pangalan matapos maging “person of interest”.
Sinisiyasat na rin ng FBI agents ang pagpapadala ng $100,000 sa isang account sa Pilipinas sa pamamagitan ng wire transfer na lumalabas na para kay Danley.
Dumating si Danley sa Manila noong Setyembre 15, dalawang linggo bago ang mass shooting at saka bumiyahe patungong Hong Kong noong Setyembre 22 at bumalik uli sa Manila noong Setyembre 25.
Samantala si Paddock ay dalawang beses ng nakarating ng Pilipinas at 12 araw itong tumagal dito simula 2013 at 2014.
- Latest