9 katao timbog sa pot session

MANILA, Philippines — Naaresto ang nasa siyam na indibidwal kabilang ang dalawang menor de edad matapos salakayin ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang maliit na hotel at maaktuhang humihithit ng marijuana habang ang iba pa ay nagre-repack umano para pambenta, sa Road 10, Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ni MPD Station 1 chief, Supt Jay Dimaandal, ang mga dinakip ay kinilalang sina Fredmar Borja, 24-anyos, residente ng Bonifacio St., Vitas, Tondo; Patrick Bernabe, 22, ng Sta Cecilia St., Tondo; Ronreal Basa , 19, ng Blk 8 , Barangay 106, Tondo; John Mark Magat, 20, ng Bonifacio st., Tondo; May Pearl Lorenzo, 21, ng Rizal St., Tondo; Albert Jao, 25, ng Block 8, Roxas St., Tondo; Bilal Timothy Naceno, 19, ng Brgy. 106, Tondo at dalawang  menor de edad na nasa 17 at 18 ang edad.

Nabatid na alas-4:50 ng madaling araw nang pasukin ang Minitel Hotel sa Road 10 dahil sa impormasyon na ibinigay ng staff ng hotel sa presinto hinggil sa kaduda-dudang pag-check in ng grupo ng kalalakihan sa Room 402.

Nadatnan pa ng mga ope­ratiba ng MPD-Station 1 na ang karamihan ay humihithit ng marijuana habang ang ilan ay nasisilid sa maliliit na plastic sachet ng pinatuyong marijuana.

Narekober ang mga drug paraphernalias sa paghithit ng marijuana, nasa 579 piraso ng plastic sachet ng marijuana, at 175 gramo ng pinatuyong marijuana na hindi pa naipa-plastic .

Nabatid na mismong ang may-ari umano ng hotel ang nagpasiya na itawag na sa presinto ang napupunang kakaibang aktibidad ng grupo dahilan para maaresto ang mga suspek na kinabibilangan ng isang babae at dalawang menor de edad na lalaki.

Isasailalim sa inquest proceedings ang mga suspek sa Manila Prosecutor’s Office.

Show comments