MANILA, Philippines — Sinampahan na kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ng kasong paglabag sa anti wire tapping law si Sen. Risa Hontiveros sa Pasay City Prosecutor’s Office matapos nitong isapubliko ang umano’y palitan ng text messages ng kalihim sa isang dating kongresista.
Tatlong bilang ng paglabag sa Republic Act 4200 o ang Anti-Wiretapping Law ang isinampa ni Aguirre laban kay Hontiveros sa piskalya ng Pasay na nasa ilalim ng National Prosecutor Service (NPS).
Bagamat nasa ilalim ng hurisdiskyon ng Department of Justice (DoJ) ang NPS, tiniyak naman ni Aguirre na walang dapat ikatakot si Hontiveros na iimpluwensyahan niya ang kaso.
“What I could say is that the DOJ will treat these cases fairly and with justice, so Sen. Risa has nothing to fear,” pagtitiyak ng kalihim.
Sinabi ng kalihim na nakipagsabwatan si Hontiveros nang pakuhanan nito ang palitan nila ng text messages ni dating Negros Oriental Rep. Jacinto Paras, gamitin at ipakita ito sa kanyang privilege speech noong nakaraang buwan.
Paliwanag niya, lantarang nilabag ni Hontiveros ang anti-wiretapping law dahil bagamat sakop ng immunity ang kanyang privilege speech, hindi naman nito nasasaklaw ang pagpapakita sa publiko ng mga personal na text messages ng ibang tao.
Lumilitaw sa text na hinihiling umano ng kalihim sa dating kongresista na madaliin ang pagsasampa ng kaso laban kay Hontiveros. Tumanggi si Aguirre na magbigay pa ng iba pang detalye tungkol sa nasabing text message niya kay Paras.
Samantala, nagsampa na rin ng parehong kaso si Paras laban kay Hontiveros sa Office of the Ombudsman.
Ginawa ni Aguirre ang pagsasampa ng kaso laban kay Hontiveros bago siya nagtungo sa Senado kung saan ay maghaharap din siya ng reklamo laban dito sa Senate ethics committee.