MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde ang publiko na simula na ang total gun ban sa buong bansa dahil sa Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ayon kay Albayalde, nangangahulugan ito na wala nang maaring magbitbit ng baril sa labas ng bahay.
Alas ?12:01 kahapon ng madaling araw ay sinimulan na ng pulisya ang checkpoints sa iba’t ibang lugar sa buong bansa.
Nauna na rin inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) na opisyal nang nagsimula ang panahon ng eleksyon sa kabila ng panukalang pagpapaliban ng halalan hanggang sa ikalawang linggo ng Mayo 2018.
Iginiit naman ni Albayalde na mas paiigtingin pa ng PNP ang kanilang checkpoints gayundin ang police visibility sa buong bansa.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na hindi kailangan kapain o halughugin ang mga gamit ng pasahero at motorista sa halip ay plain view doctrine lang ang ipapatupad.
Tatagal ang nationwide gun ban hanggang Oktubre 30 subalit maaring ipatigil kung hindi matutuloy ang Brgy. at Sk Elections ngayong taon.
Sa ilalim ng gun ban ay pansamantalang mawawalang bisa ang permit to carry (PTC) ng isang pribadong indibidwal at tanging mga pulis at militar lamang ang pinapayagang magdala ng baril habang umiiral ang nasabing kautusan.
Maari namang maharap sa anim hanggang 12 taon pagkakabilanggo ang sinumang mahuhuling lumabag sa kautusan.
Samantala, ipinaalala naman ni Comelec Spokesman James Jimenez sa mga interesadong kumandidato na magsisimula ang filing ng certificate of candidacy sa ?October 5-11 habang aarangkada ang campaign period sa ?October 12-21.
Handa na ang Comelec para sa Barangay at Sangguniang Kabataan polls sa Oktubre 23.
Ito’y kahit pa naka-umang na sa Malacañang at posibleng lagdaan na ni Pangulong Duterte ang panukalang batas na magpapaliban sa nasabing halalan.
Paliwanag ni Jimenez, hangga’t walang nilalagdaang batas ay magpapatuloy ang preparasyon ng poll body para sa Barangay at SK polls.