MANILA, Philippines — Itinutulak sa Senado na maamyendahan ang Anti-Hazing Law upang tuluyang i-ban ang lahat ng uri ng hazing sa bansa.
Dininig kamakalawa ng gabi sa Senado ang kaso ng pinakahuling namatay sa hazing na si Horacio “Atio” Castillo III.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon na aminadong nakaranas ng hazing noong nag-aaral pa, pabor siya na siliping muli ang batas upang maamiyendahan.
Sinabi ni Drilon ang kanyang naging karanasan sa hazing ang nagbigay sa kanya ng conclusion na dapat itong i-ban.
Bukod kay Drilon naniniwala rin sina Senators Bam Aquino, Grace Poe at Juan Miguel Zubiri na dapat ng i-ban ang hazing sa bansa.
Sa Kamara ay isinusulong na ring gawing krimen ang hazing matapos ang pagkamatay ni Castillo.
Sa House Bill 6440 ni Kabayan Rep. Harry Roque, idedeklara ring iligal ang mga organisasyon na magpa-practice ng anumang uri o paraan ng hazing para matanggap sa fraternity o sorority.
Nakasaad pa sa panukala na ang sinumang present sa hazing kahit hindi pa nakikiisa dito ay maituturing na principal sa krimen maliban kung hinadlangan niya ang aktibidad.
Nais ng kongresista na taasan ang parusa sa mga sangkot sa hazing.
Paliwanag pa ni Roque na ang Republic Act 8049 o Anti-Hazing Law na pinagtibay noong 1995 ay hindi na sapat dahil napatunayan nang hindi ito naging deterrent sa hazing.
Samantala, sinimulan na rin dinggin ng sub-commiteee on Prosecutorial Reforms ng House Justice committee ang panukala ni Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera-Dy na rebisyon sa Anti-hazing Law kung saan ipinagbabawal sumali sa fraternity at sorority sa loob at labas ng eskuwelahan.