MANILA, Philippines – Nanawagan si Sen. Bam Aquino sa Aegis Juris fraternity, lalo na kay John Paul Solano, na pangalanan ang mga suspek sa pagkamatay ni first-year University of Santo Tomas law student Horacio Castillo III at tumulong sa imbestigasyon ng mga pulis.
“Makukuha ang hustisya kung maibibigay niyo ang impormasyon as soon as possible. The sooner that you’re able to provide this, the sooner the PNP can find the suspects, the sooner the Castillos will find justice,” sabi ni Aquino pagdinig ng Committee on Public Order ukol sa pagkamatay ni Castillo kagabi.
Hinikayat ng senador si Solano na ibigay ang pangalan ng mga kasama niya nang dalhin si Castillo sa Chinese General Hospital.
BASAHIN: Solano itinuro ang Aegis Juris brods sa pagkamatay ni Atio
“Habang nagtatagal tayo, habang iniimbestigahan pa ng PNP ang mga numero ng alumni. We’re hoping that you can provide the information as soon as you can para makuha na ng mga Castillo ang hinihingi nilang hustisya at makulong ang mga sangkot dito,” dagdag ni Aquino.
Isa sa mga principal suspects na nakilalang si Ralph Cabales Trangia ang nakalabas ng bansa bago pa man ilagay ang kanilang mga pangalan sa watchlist order ng Bureau of Immigration.
Samantala, napuna ni Aquino na nauna pang nalaman ng mga opisyal ng Aegis Juris, kabilang ang dean ng UST Faculty of Civil Law na si Nilo Divina ang pagkamatay ni Castillo kaysa sa mga magulang nito.
“If the alumni truly want to cooperate, they should be willing to tell us kung saan nanggaling ang mga impormasyon na iyan so the PNP can trace it back,” sabi ni Aquino.
Lunes na nang umaga nang malaman ng mga magulang ni Castillo ang sinapit ng anak, habang Linggo pa lamang ng hapon ay alam na ito ng mga miyembro ng fraternity.
Samantala, inaasahan ni Aquino na magkakaisa ang lahat ng senador sa pag-amyenda sa Anti-Hazing Law upang mawakasan ang walang saysay na pagkamatay ng mga kabataan at matapos na ang hindi makataong kalakaran ng hazing sa bansa.