MANILA, Philippines - Iginiit ng itinuturing na primary suspect na si John Paul Solano ang pagiging inosente sa pagkasawi ng University of Santo Tomas law student Horacio “Atio” Castillo III sa hazing ng Aegis Juris Fraternity.
Sa kaniyang pagharap sa imbestigasyon ng Senado kagabi, sinabi ni Solano na hindi siya kasama sa initiation rites at hindi niya kilala si Castillo.
Aniya tinawagan siya ng isa sa mga miyembro ng fraternity noong Setyembre 17 at pinapupunta sa kanilang tanggapan sa Sampaloc, Manila.
"Tumanggi po akong pumunta since I'm working po on Saturday and Sunday in my father's clinic. I did not proceed right away," sabi ni Solano na isang rehistradong medical technologist.
Muli umano siyang tinawagan makalipas ang halos isang oras kung saan sinabi sa kaniyang may hinimatay.
Nang dumating sa Sampaloc ay tumambad sa kaniya ang isang lalaking walang malay na kalaunan ay nakilalang si Castillo.
"The first thing I checked po is the pupils and the pulse. When I checked the pulse, I didn't hear any po, so I administered CPR," patuloy ni Solano.
Kaagad niyang ipinasugod sa ospital si Castillo kung saan hindi na umabot nang buhay.
Dinepensahan din niya ang kaniyang sarili matapos malamang nagsinungaling siya nang sabihin niyang nakita lamang niya sa tondo ang bugbog-saradong si Castillo.
“They told me to tell that story. I was very rattled that time. I was confused on what to to do, so I just followed," dagdag niya.
Tumanggi si Solano na pangalanan sa Senado ang mga sangkot sa krimen matapos siyang kasuhan kahapon.
Sumuko si Solano upang linisin ang kaniyang pangalan at mapanagot ang mga nasa likod ng pagkamatay ni Castillo.
Tiniyak naman niya na pangangalanan ang lahat sa kaniyang affidavit.