Colorum PUVs pinabibigyan ng amnesty
MANILA, Philippines — Hinimok kahapon ni Aasenso Partylist Rep. Teodoro Montoro ang Department of Transportation (DOTr) na maglatag ng kapaki-pakinabang na amnesty program ang gobyerno para sa mga operator ng colorum jeepney, bus, UV (utility vehicle), Express at taxi kaugnay ng Public Utility Vehicle (PUV) modernization.
Ito’y kaugnay ng planong jeepney phaseout ng DOTr kung saan nakatakda namang magsagawa ng tigil-pasada ang ilang transport groups sa darating na Setyembre 25-26.
Sinabi ni Montoro, miyembro ng House Committee on Transportation na dapat may probisyon ang amnesty program na mag-oobliga sa lahat ng operator ng colorum units na isuko sa gobyerno ang lahat ng colorum units para mapalitan ito ng mga electric at environment-friendly na mga sasakyan.
Ang mga amnesty-covered na colorum units na maayos pa ay ido-donate naman ng gobyerno sa mga State Universities and Colleges (SUCs) sa mga probinsya sa labas ng metro-cities para mapakinabangan ng mga estudyante at mga guro.
Habang ang mga bulok o luma na at kakarag-karag nang colorum units ay kakatayin at pipiyesahan at ilalagak ang mapagbebentahan sa kaban ng gobyerno.
“Ang nasabing amnesty ay epektibong diskarte para matanggal ang libu-libong mga colorum at road unworthy na mga sasakyan na bumibyahe pa rin sa Metro-Manila at mga urban areas. Luluwag na ang trapiko, mababawasan pa ang air pollution,” giit pa ni Montoro, kinatawan ng party-list para sa mga manggagawa.
“Ang panukala kong amnesty program ay lulutas din sa transportation problems ng malalayong SUCs. Ang mga isusukong roadworthy na sasakyan ay maaaring ipanghatid at sundo sa mga estudyante at propesor sa mga kanayunan na nagbibiyahe pa ng malayo para lamang makarating sa eskwelahan,” dagdag pa ng solon na isa sa mga may-akda ng House Bill 6112 or Public Utility Vehicle Monitoring Act, isang panukalang umaayon sa modernization plan ng DOTr.
- Latest