MANILA, Philippines — Pinapahuli at pinapakulong ni Pangulong Duterte ang mga lasenggero na umiinom sa kalsada at mga nakatambay.
Iniutos ng Pangulo sa mga pulis na huwag hayaan na tumambay sa kalsada at umiinom ng alak ang mga ito sa pampublikong lugar.
Sabi ng Pangulo, peligro ang mga ito na nagbibigay ng takot sa mga tao partikular sa mga ordinaryong mamamayan na naglalakad sa mga kalye.
Binigyang diin ni Pangulong Duterte na ang nais niya’y maging matiwasay ang sinoman sa tuwing naglalakad sa lansangan at maramdaman na sila’y ligtas sa masasamang elemento ng lipunan.
“Sabi ko sa pulis, pick-up nyo ang mga tambay. I do not want anybody standing there, mag-tambay. Kasi ‘yung tambay sa Pilipinas, we talk of contemporary times, what’s happening to the environment now,” paliwanag pa ng Pangulo.
Aniya, kapag nag-inuman sa pampublikong lugar ang mga tambay na ito ay arestuhin agad dahil lumilikha sila ng pangamba sa ordinaryong mamamayan.
“Kapag mag-inuman in public place, arestuhin mo. You’re not supposed to be drinking using the streets and alleys as… “Hulihin mo at ikulong ninyo.” Tutal may PAO naman bukas magpa-release, eh ‘di sige,” dagdag pa ng chief executive.
“Eh may balance naman eh. Inaasahan ko naman that kapag walang kasalanan and it’s just a matter of loitering around, but ang mga tao kasi takot eh. Takot na magdaan, lalo na ‘yang… Ang mga biktima nito, hindi ito ‘yung mga elitistang, p***** i***** mga ‘to. Ito ‘yung mga biktima ‘yung nagtatrabaho, mga salesgirl,” giit pa ng Pangulo.