MANILA, Philippines — Lumubog sa baha ang malaking bahagi ng Metro Manila at mga karatig lalawigan sanhi ng malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Maring kahapon.
Si Maring ay nag-landfall sa kalupaan ng Mauban, Quezon dakong alas-9 ng umaga kahapon.
Bunsod nito, suspindido kahapon ang klase sa lahat ng paaralan sa Metro Manila, CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) at mga lalawigan sa Region 3 habang kinansela rin ang pasok sa mga government offices sa nasabing mga lugar.
Alas-7 ng umaga naman ay nagpalabas ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng “flood alert” dahil sa hanggang gutter na lalim ng tubig sa kahabaan ng Taft Avenue sa Maynila mula PGH hanggang UN Avenue; EDSA Shrine (northbound); EDSA-Quezon Avenue (northbound); Intersection ng E. Rodriguez; EDSA Boni (southbound); C-5 Eastwood (south at northbound); Commonwealth Winston (westbound); Commonwealth-Donya Carmen (westbound); EDSA Polymedic (southbound).
Binaha rin ang Gumamela Street sa Brgy. Roxas; Brgy. Talayan, Araneta Avenue; Brgy. Sto. Domingo; Brgy. Culiat; Brgy. Doña Imelda; Brgy. Damayang Lagi at Brgy. Tatalon.
Hanggang tuhod naman ang tubig baha sa area ng E. Rodriguez-Araneta-Petron (south at northbound); Pasong Tamo; R. Papa at hanggang baywang na baha sa bahagi ng East Avenue harapan ng SSS.
Patuloy naman ang monitoring sa Marikina River na umabot na ang antas ng water level sa 15 metro kaya itinaas ang unang alarma.
Nagdulot din ng aberya sa biyahe ng Metro Rail Transit (MRT) ang masamang panahon ng ma-stranded ang libu-libong pasahero at pagkakabuhol-buhol ng trapiko sa mga apektadong lugar sa National Capital Region (NCR).
Hindi rin pinabiyahe ng pamunuan ng Philippine National Railways (PNR) ang kanilang mga tren na galing ng Tutuban sa Maynila patungo sa Calamba, Laguna at vice versa.
Ayon sa PNR, umabot sa 3-inches ang tubig baha sa riles ng Laon-Laan, 7 inches sa España, 7 inches sa Paco at 16 inches sa EDSA-Taft.
Sinasabing 2.5 inches lamang ang lalim ng tubig baha ang kayang daanan ng mga tren ng PNR.
Kinansela rin kahapon ang 18 domestic flights at tatlo ang diverted flights kabilang ang dalawang international flights dahil sa sama ng panahon.
Habang sinuspinde rin ng MMDA ang pagpapatupad ng number coding scheme sa mga pangunahing lansangan ng kalakhang Maynila.
Alas-4 ng hapon kahapon, si Maring ay nasa bisinidad ng Bacolor, Pampanga taglay ang lakas ng hangin na 60 kilometers per hour at bugso na 100 kph. Kumikilos ito sa bilis na 15 kph.
Nakataas ang Signal No. 1 sa Metro Manila, Camarines Norte, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Northern Quezon incl. Polillo Island, Southern Aurora, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Bataan at Pangasinan.
Kung hindi magbabago ang kilos, si Maring ay maaaring lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Huwebes.
Samantala, alas-11 ng umaga kahapon ang sentro naman ng isa pang bagyong Lannie ay namataan sa layong 1,255 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 120 kph malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 145 kph. Kumikilos ito sa bilis na 26 kph.
Ngayong Miyerkoles ng gabi, si Lannie ay inaasahang nasa layong 425 kilometro hilaga ng Basco, Batanes.
Ayon sa PAGASA, taong 2009 huling dumanas ang ating bansa ng pagpasok sa PAR ng dalawang bagyo, ang bagyong Pepeng at Quedan.