Gen. Bato umiyak na naman sa Senado
MANILA, Philippines — Muling naging emosyonal si Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pagharap sa Senate hearing kaugnay sa pagpatay kina Kian delos Santos at Carl Arnaiz.
Sa pagtatanong ni Sen. Risa Hontiveros, naging punto ng senadora na mistulang nagiging polisiya ng PNP ang pagpatay sa mga pinagbibintangang dawit sa iligal na droga.
Hindi napigilan ni dela Rosa na sumabat kay Hontiveros upang depensahan ang kanilang organisasyon.
Ayon kay dela Rosa, masakit para sa kanya ang nasabing paratang.
Nauna rito, ipinaalala ni dela Rosa na sa gitna ng kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga, nasa 125,000 ang buhay at sumuko sa pulisya.
Iginiit rin ni dela Rosa na may mga pulis rin na napapatay ng mga drug suspects.
“I am grieving for the majority of my men na nakataya ang buhay nila tapos i-accuse n’yo kami ng polisiya na ganun. Masakit. Masakit, your honor,” pahayag ni dela Rosa kay Hontiveros.
Sinabi pa ni dela Rosa na saksi ang Diyos, pero hindi umano niya papayagan na gamitin sa masama ang mga pulis.
“Andyan si Lord, nakikita niya. I’m willing to go back to Davao City ‘pag na-prove mo ‘yan,” patuloy niya. “You know me personally, your honor. ‘Di ako papayag na gagamitin ang pulis sa masama,” dagdag ni dela Rosa.
Nilinaw rin ni dela Rosa na walang utos si Pangulong Duterte na pumatay sila ng pumatay.
“Mamatay man ako, walang sinabi sa akin si presidente na pumatay kayo nang pumatay,” dagdag pa ng PNP chief.
Nabanggit tuloy ni Hontiveros na may nasabi ang Public Attorney’s Office (PAO) na may tila pattern na ng ganitong mga kaso.
Pero agad na itinanggi ni PAO Chief Persida Acosta na sila ang pinanggalingan ng ganoong pahayag.
- Latest