ZAMBALES, Philippines — Siniguro ng Local Government Unit ng Subic na patuloy nilang susuportahan ang kampanya laban sa droga sa 17-barangay at magiging positibo ang kanilang giyera bunga ng suportang ipinagkakaloob ng mga residente.
Sa pahayag ni Mayor Jefferson “Jay” Khonghun, todo-suporta ng kanyang tanggapan ang patuloy na pagsugpo ng Zambales Provincial Police Office (ZPPO) sa pangunguna ni P/Senior Supt. Christopher Mateo laban sa droga at kaisa sa layuning masugpo ang pagkalat ng shabu at maging ng marijuana sa mga kanayunan.
Hindi rin matatawaran ang ipinapakitang malasakit ni Mateo at ni Khonghun para tuluyang makamit ang tinatamasang kaunlaran at maging ganap na “drug free” ang bayan ng Subic.
Kamakailan ay naging sunud sunod ang pagharap sa mga naaarestong pusher at user ng Subic police kay Khonghun bilang pagpapatunay na may sinseridad sila sa giyera kontra droga kung saan katuwang ang mamamayan ng Subic.
Asahan pa umano ayon kina Mateo at Khonghun na higit pang paiigtingin ang kampanya laban sa droga maging sa iba’t ibang uri ng kriminalidad sa bayan ng Subic at lalawigan ng Zambales lalo pa’t may bago nang itinalagang police regional director sa Central Luzon sa katauhan ni P/Chief Supt. Amador Corpuz na humalili kay P/Chief Supt. Aaron Aquino na lilipat naman bilang bagong hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).