MANILA, Philippines — Napatay ang umano’y number one drug lord ng Western Visayas at anak nito matapos mauwi sa shootout ang pagsisilbi ng warrant of arrest ng mga pulis sa Jaro, Iloilo City nitong Biyernes ng gabi.
Sa report ng Police Regional Office (PRO) 6, kinilala ni PNP Spokesman P/Chief Supt. Dionardo Carlos ang nasawing suspek na si Richard Prevendido alyas Buang, may patong sa ulong P1.1 milyon.
Napaslang din ang anak nitong si Jason Prevendido.
Si Prevendido umano ang humaliling lider ng sindikato ng droga sa Western Visayas matapos na mapatay ang drug lord ng Visayas na si Melvin Odicta noong nakalipas na taon.
Si Odicta at misis nitong si Meriam ay napatay ng mga awtoridad sa barilan sa Caticlan port noong nakalipas na taon habang pauwi sa kanilang tahanan sa Iloilo City matapos namang sumuko kay dating Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno.
Nabatid sa rekord ng pulisya na si Prevendido ang pumalit kay Odicta at kabilang sa drug list ng pamahalaan.?
Bandang alas-8:30 ng gabi nitong Biyernes habang isinisilbi ng pinagsanib na elemento ng Regional Intelligence Division (RID) 6 at Iloilo City Police ang warrant of arrest laban kay Prevendido sa tahanan nito sa Landheights Subdivision, Brgy. Balabago, Jaro District, Iloilo City nang mangyari ang shootout .
Ayon kay Sr. Supt. Marlon Tayaba, hepe ng Iloilo City Police, sa halip umanong sumuko sa arresting team ay nagpaputok ng baril sina Prevendido na nagresulta sa shootout.
“The campaign against illegal drugs will continue. The unfortunate death of another identified drug lord in Western Visayas only shows the danger our police officers face everytime warrants are implemented against these High Value Targets (HVT’s)”, dagdag pa ng PNP spokesman.
Narekober ng mga operatiba ng pulisya sa pinangyarihan ng shootout ang dalawang cal. 45 pistol, isang AK-47 assault rifle, mga patalim at ilang sachets ng shabu.