MANILA, Philippines - Pinabubuwag ng House committee on Dangerous Drugs ang Bureau of Customs kasunod nang pagkakapuslit ng P6.4 bilyong halaga ng iligal na droga sa BoC.
Sa 57 pahinang report ng komite ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, kailangang gumawa ng panibagong batas upang mapalitan na ng panibagong revenue collecting agency ang BoC.
Pinagbibitiw na rin ang matataas na opisyal ng Customs para mabigyang daan ang pagbabago at pagpapa-revoke sa kautusan ni dating commissioner Nicanor Faeldon na nagtatatag ng command center.
Isinusulong din ni Barbers na magkaroon ng electronic linkage ang BoC at BIR at ipinapaalis na ang accreditation para sa consignee at broker na isa sa ugat ng tara system.
Inirekomenda rin ng komite sa Kamara na ibalik sa Deputy Commissioner for Intelligence group, Enforcement group, Assessment operation and Coordination group at District collectors ang pag-iisyu ng alert order sa mga papasok na kargamento.
Bukod dito, pinalalagyan din ng CCTV camera ang strategic area sa BoC at pinagsusuot ng body camera ang mga ahente ng Customs habang pinadadagdagan ang x-ray machines nito para sa masusing pagsala ng mga cargo.
Pinasasampahan din ng kaso sina Faeldon, Director Milo Maestrecampo, Director Niel Estrella, Deputy Commissioner Gerardo Gambala at Atty. Mandy Anderson gayundin sa dalawang tauhan ng NBI.
Pinakakasuhan din ang mga pribadong indibidwal na sina Richard Chen, Kenneth Dong, Manny Li, Eirene Mae Tatad, Teejay Marcella at Mark Taguiba.
Hindi naman kasama sa mga pinakakasuhan ang mga atleta na kinuha ng BoC.