Hustisya kay Kian bilisan - Digong
MANILA, Philippines - Gusto ni Pangulong Duterte na matamo ang mabilis na hustisya para sa 17 anyos na si Kian Loyd delos Santos na napatay sa pinaigting na anti-drug war ng pamahalaan sa Caloocan City noong nakalipas na Agosto 16, habang hindi rin nito kinukunsinti ang mga binansagang ‘murderous cops” na sumablay sa operasyon.
Kamakalawa ay nakipagpulong si Pangulong Duterte sa mga magulang ng Grade 11 student na si Kian.“President Duterte has already expressed his dismay over what happened to Kian, but for him to reach out to the 17-year-old’s parents shows that he’s not about to let hate-mongers take control of the issue,” pahayag ni Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles.
Sinabi ni Nograles na sa nasabing pagpupulong ay niyakap pa ng Pangulo ang mga magulang ni Kian na sina Saldy at Lorenza delos Santos bilang pakikidalamhati at malasakit sa mga ito matapos na maging ‘collateral damage’ ang binatilyo sa drug campaign ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre.
Kaugnay nito, pinagsusumite ng counter affidavit ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang 17 pulis Caloocan na sangkot sa pagpatay kay Kian.
Kabilang sa mga pinagsusumite ng counter affidavit sina Chief Insp. Amor Cerillo, PCP-7 supervisor at Supt. Chito Bersaluna, chief of Police ng Caloocan.
Gayundin sina P03 Arnel Oares, P02 Arnel Canezares, P02 Reynaldo Dan Blanco, P02 Diony Corpuz, P02 Fernan Cano, P01’s Jerwin Cruz, Silverio Garcia, Ronald Herrera, Myrldon Yagi, Christian Joy Aguilar, Jeremias Pereda, Ceferino Paculan, J-Rossillini Lorenzo, Erwin Romeroso, at Ferdinand Claro.
Matapos ang limang araw na pagsusumite ng counter affidavit ay may 10-araw naman ang IAS para pag-aralan ito, at 60-araw para magsumite ng kanilang findings at rekomendasyon kay PNP chief Ronald dela Rosa.
- Latest