Sa pagkakatalaga kay Espenido sa Iloilo
MANILA, Philippines - Ipinauubaya na sa Diyos ni Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog ang kanyang buhay makaraang italaga ni Pangulong Duterte si Chief Insp. Jovie Espenido bilang bagong hepe ng pulisya sa lungsod.
Kasabay ng flag ceremony sa Iloilo City Hall kahapon ng umaga, napaiyak ang alkalde nang hinarap ang mga kawani ng lungsod.
Hindi raw niya maintindihan kung ano ang nangyari dahil noong nakaraang linggo lang ay sinabi ni Pangulong Duterte na hindi na “hot bed” ng iligal na droga ang Iloilo ngunit ngayon ay itinalaga naman sa Iloilo si Espenido.
Kaugnay nito, nais na makipagkita ni Mabilog kay Pangulong Duterte upang maipakita umano ang kanyang mga hakbang na ginagawa para labanan ang iligal na droga sa kanilang lungsod.
Nilinaw din ng alkalde na hindi siya gumagamit ng iligal na droga at wala siyang pinoprotektahan na kahit sino na may kinalaman dito.
Simula anya ng umarangkada ang giyera kontra droga ni Pangulong Duterte ay wala nang natitirang high value target sa kanilang lungsod dahil napatay na ang mag-asawang Melvin at Meriam Odicta at nakakulong na rin ang kanilang mga galamay.
Sabi naman nina Akbayan Partylist Rep. Tom Villarin at Magdalo Partylist Rep. Garry Alejano. nasa panganib na umano ang buhay o hindi ligtas si Mayor Mabilog ngayong ang tinaguriang ‘hatchet’ man ng administrasyon sa kampanya kontra droga sa katauhan ni Espenido ang itinalaga bilang bagong hepe ng pulisya sa lungsod.
Wika ni Villarin, hindi ligtas si Mabilog na ngayon ay nagdarasal na para sa kaniyang buhay.
Si Espenido ay dating hepe ng Albuera, Leyte nang mapatay si dating Albuera Mayor Rolando Espinosa sa drug raid sa Baybay City Sub-Provincial Jail noong Nobyembre 2016.
Matapos namang ilipat si Espenido sa Ozamiz City ay napaslang sa madugong raid ng mga tauhan nito si dating Mayor Reynaldo “Aldong “ Parojinog, misis nito at 15 pa katao nitong Hulyo 30.
Sina Espinosa, Parojinog at Mabilog ay pawang tinukoy ni Pangulong Duterte na nasa drug list ng mga umano’y narco-politicians bagay na itinanggi ng mga opisyal.
Ayon naman kay Alejano, sinabi nito na hindi ‘coincidence’ o nagkataon lang ang pagtatalaga kay Espenido sa Iloilo City na isa sa mga umano’y hotbed ng droga na inaasahang susunod na target ang mga drug lord sa lungsod.
Sinabi ni Alejano na sobrang nakababahala ang pagtatalaga kay Espenido sa Iloilo City lalo pa nga at tila nagbigay ng warning o babala si Pangulong Duterte laban kay Mabilog kung mabuhay pa kaya ito ngayong ang nasabing opisyal ng pulisya na ang bagong hepe.