MANILA, Philippines — Wala nang dapat ikabahala ang mga estudyante at empleyado ng University of the East matapos alisin ng Manila Police District ang granada sa kahabaan ng Recto Avenue sa Maynila.
Isang kahina-hinalang package ang iniulat ng street sweeper sa lugar ngayong Martes ng umaga.
Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng MPD na sinuri ang "MK2 fragmentation hand grenade" na nasa loob ng package.
“Hindi siya capable to explode without detonator, ibig sabihin walang detonator, kulang siya. Pero ito’y naka-safety pa, nakata-tape, intact ‘yung kanyang safety pin,” paliwanag ni Senior Inspector Arnold Santos ng Explosives and Ordnance Division sa dzMM.
Kinukuha na ang kuha ng CCTV sa tapat ng pamantasan upang matukoy kung sino ang nag-iwan ng granada.
Tuloy naman ang klase sa UE sa kabila ng insidente.
"This morning's suspected item outside the vicinity of UE Manila's Recto gate has been removed and the gate is now open," pahayag ng UE Manila.