MANILA, Philippines - Iniulat kahapon ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na maraming lugar at kalsada sa Quezon City at Maynila ang nalubog sa baha dala ng malakas at pabugsu-bugsong pag-ulan na hatid ng tropical storm “Isang”.
Ayon sa MMDA, hindi madaanan ng mga motorista ang ilang kalye sa Quezon City at Maynila dahil sa pagtaas ng tubig baha.
Ang mga apektado ng tubig baha ay ang area ng Amoranto sa Araneta, A. Bonifacio, Balintawak, Del Monte, Dapitan Kanlaon hanggang Dapitan Mayon; P. Tuazon Boulevard/Lakandula, Barangay Marilag, Proj 4; Gumamela St. ,Waling-Waling St. Barangay Roxas District, R Papa sa Caloocan City at sa Rizal Avenue sa Maynila.
Sa abiso ng MMDA para sa mga motorista, hindi maaaring daanan ng mga light vehicles ang naturang mga kalye dahil lampas gutter na ang taas ng tubig bahay.
Pina-iwas na lamang ng MMDA ang mga motorista sa nabanggit na kalye upang hindi maabala.
Nabatid, na ang pagbaha ay sanhi ng kasagsagan ng malakas na pag-ulan dulot ng isang tropical storm na “Isang”.