MANILA, Philippines - Nasa pagitan na lamang ng 20 hanggang 40 ang bilang ng mga miyembro ng Maute Group na lumalaban sa gobyerno sa Marawi.
Ito ang inihayag kahapon ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla sa Mindanao Hour briefing sa Malacañang.
Ayon kay Padilla, patuloy na nababawasan at nasa pagitan na lamang ng 20 hanggang 40 ang kalaban ng gobyerno.
“Doon sa nire-report nating mga namamatay sa hanay ng kalaban, ngayon sa paniniwala ng ating mga tropa diyan, sa ground commander’s estimate, less than 40 na lang sila. So between 20 to 40 na lang siguro ‘yan,” pahayag ni Padilla.
Aminado naman si Padilla na bagaman at lumiliit ang puwersa ng Maute Group, kaya pa rin ng mga itong manakit dahil sa mga hawak na armas, may sapat pa ring mga bala, at may hawak pa rin silang mga hostages.
Pero sa kabila nito, ipinaliwanag ni Padilla na dapat pa ring manatili ang umiiral na martial law dahil hindi lamang naman sa Marawi nagkaroon ng kaguluhan. Meron din anyang grupo ang Maute sa ibang bahagi ng Mindanao tulad sa Lanao, Maguindanao, Sulu at iba pa.
Idinagdag ni Padilla na iniiwasan din nila na magkaroon ng pagkakataon ang ibang grupo na sumanib sa Maute.
Samantala, patuloy na kinukumpirma ng militar ang mga ulat na mayroong 10 firefighters ng teroristang Mauter/ISIS group ang nakapasok sa Marawi City para sa re-enforcement ng mga kasamang nasa loob pa ng battle area.
Ayon kay Padilla, na hindi pa nila alam kung talagang nakapasok ang nasabing grupo.
Sa kaugnay na ulat, tinatayang may 60 babaeng sundalo ang nagtungo na kahapon sa Marawi City.
Sinabi ni Capt. Jo Ann Petinglay, tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi, na ang mga nasabing sundalong babae ay tutulong sa pagbibigay ng mga pangangailangang ayuda sa mga babae, bata at matatandang may sakit na nasa evacuation center.