Bird flu outbreak sa Pampanga minomonitor ng Malacañang
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng tagapagsalita ng Malacanang na nagsasagawa na ito ng monitoring sa bird flu outbreak matapos itong kumpirmahin ng Department of Agriculture.
Ayon kay presidential spokesperson Ernesto Abella, bagaman at wala pang naiiulat na bird flu contamination, nagsasagawa na ng mahigpit na monitoring.
Nagtutulungan na anya ang Department of Health at ang DA upang masugpo ang pagkalat ng virus kabilang na ang flu vaccinations at pagbibigay ng protective equipment para sa mga nagta-trabaho sa mga poultry.
Kinumpirma rin ni Abella ang isinagawang mahigpit na surveillance sa mga flu-like syndromes sa Pampanga sa loob ng 7 kilomentrong radius mula sa mga apektadong lugar.
Pinakiusapan rin ni Abella ang mga mamamayan na manatiling kalmado pero mapagbantay.
Hinakayat rin ang mga mamamayan sa mga apektadong lugar na agad magtungo sa local health center o sa pinakamalapit na ospital kung magkakaroon ng mga sintomas ng trangkaso katulad ng lagnat, pag-ubo at masakit na lalamunan.
Idinagdag ni Abella na tiniyak naman umano ng DOH na ligtas na kainin ang mga manok na maayos na naluto at naiilipat lamang ang avian flu sa pamamagitan ng paglanghap o “respiratory routes”.
Pinapayuhan naman ng DOH ang publiko na ugaliing maging malinis at magkaroon ng tamang sanitasyon kapag naghahanda at nagluluto ng mga poultry products upang makaiwas na dapuan ng anumang sakit lalupat ngayon ay may kontaminasyon ng birds flu virus ang mga manukan sa Pampanga.
Sinabi ni Health Assistant Secretary Dr. Enrique Tayag na ang tamang hygiene at paghuhugas ng mga kamay ang unang panlaban sa pagkalat ng anumang sakit.
Anya,kailangan pa ring mag-ingat ang bawat mamamayan sa birds flu contamination bagamat hanggang ngayon ay wala pa ring nagpapatunay na naililipat ang sakit sa katawan ng tao.
- Latest