7 ‘Cus-tong’ men tinukoy

Taguba

MANILA, Philippines - Pitong opisyal o tauhan ng Bureau of Customs ang tinukoy at pina­ngalanan na tumatanggap ng “lagay” o tara bawat container para makapag­labas ng mga kontrabando.

Nabunyag ito nang humarap kahapon sa pagdinig ng dangerous drugs committee ng House of Representatives si Mark Ruben Taguba, ang broker na nagpalabas umano ng mga container na nag­lalaman ng mga shabu galing China palabas mula sa Bureau of Customs.

Sinuportahan ni Taguba ang naunang pahayag ni Senador Panfilo Lacson na, sa 10,000 container na dumadaan sa BOC araw-araw, maaaring umaabot sa P270,000 milyon araw-araw ang mga ‘lagayan’ dito.

Kabilang sa itinuro ni Taguna na sangkot sa “lagayan” sina deputy commissioner for Intelligence Group Teddy Sandy Raval, Import Assessment Services Capt. Milo Maestrecampo, Teddy Sagaral ng MICP - CIIS, MICP Customs Collector Vincent Philip Maronilla, CIIS director Niel Estrella, isang Col Gutierrez na patay na, isang Jason at Maita ng informal entry division

May mga pinangalanan pa si Taguba na mga John doe na wala sa pagdinig pero pinakuha ng komite ang mga pangalan ng mga ito para makilala sa bureau o maituro ang mga ito.

Nauna rito, inihayag ni Taguba, ang sala­ping ibinibigay bilang ‘tara’ sa mga unit sa ilalim ng bureau tulad ng Intelligene Group (IG), P2,000 per container; collector, P2,000 per container; CIIS director, P500 per container; CIIA district director, P500 per container; ESS director, P500 per container; ESS distirct director, P500 per container; Import Assessment Service (IAS), P10,000 per container; x-ray unit ng BOC, P1,000 per container; Pier Inspection Division (PID), P200 per container; formal entry division, P500 per container; assessment and operations coordinating group, P1,000 per container.

Itinanggi ni  Maestrecampo, isang dating mutineer noong Oakwood mutiny noong Hulyo 2013, ang akusasyon at sinabing  handa siyang magbitiw sa kaniyang puwesto matapos idawit ang kaniyang pangalan sa korapsyon.

 Sinabi nito na handa siyang magbitiw sa puwesto at handa ring ipasilip ang kaniyang accounts, bahay para isailalim sa imbestigasyon kung saan handa niyang patunayan na inosente siya sa paratang.

Sinabi naman ni Estrella na sobrang nakakasakit ang ganitong akusasyon dahil biktima sila ng trial by publicity kung saan apektado ang kaniyang reputasyon at apektado ang kanilang mga pamilya.

Itinanggi rin ng iba pang mga inaakusahan opisyal ang bintang ni Taguba at sinabing wala silang tinatanggap na pera mula rito at maaring may gumagamit lamang sa kanilang pangalan.

Sinabi naman ni Raval na nagkita na sila ng personal ni Taguba na nagsabing hindi niya kailanman nakausap si Raval kungdi isang Gerry lamang na nagte-text sa kaniya. Idiniin ni Raval na sa apat niyang staff ay walang nagngangalang Gerry.

Show comments