MANILA, Philippines - Nakagawa na ng framework ang 10 bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ang China matapos ang kanilang pagpupulong kahapon (Linggo) sa Philippine International Convention Center (PICC).
Unang inianunsyo ni Chinese Foreign Minister Wang Yi nitong Linggo ng hapon ang pagbuo ng framework para “code of conduct” sa South China Sea na magiging daan ng mapayapang negosasyon sa pinagtatalunang teritoryo sa SCS o sa West Philippine Sea.
Ayon kay Wang, matapos ang China’s ministerial meeting kasama ang ASEAN ministers kahapon, may 11 foreign ministers ang nagkasundo para sa adoption ng nasabing framework. Nagbigay umano ng panukala na “three-step initiative” ang China sa naturang code of conduct.
Sa hiwalay na pulong, kinumpirma naman ni Foreign Affairs Secretary Robespierre Bolivar ang pagkaka-adopt ng code of conduct framework sa hiwalay na pagpupulong.
Sinabi rin ni Bolivar na napagkasunduan ng mga foreign ministers at China ang tatlong hakbang na proseso subalit tumanggi siyang tukuyin ito. Tumanggi rin siya na ipaliwanag kung ang nabuong framework ay makakaapekto ba sa ginawa o ginagawang reclamation at militarisasyon ng China sa SCS o WPS.
Hindi pa umano isasapubliko ang nilalaman ng framework ng code of conduct dahil na rin sa sensitibo pa umano sa ngayon ang dokumento.
Ang mga elemento naman aniya ng framework ay ang magiging basehan para sa mga negosasyon ngayong taon.