MANILA, Philippines - Umaabot ?sa 30 retirado at aktibong basketball at volleyball players ang umano’y nasa “payroll’ ng Bureau of Customs bilang mga “technical assistants” matapos i-hire ni BoC Commissioner Nicanor Faeldon,
Ayon kay House Committee on Dangerous Drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers, nakatakda niyang ipatawag sa pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang naturang mga players
“We will summon them to shed light on the incident, we will get to the bottom of the case,” ani Barbers.
Ang nasabing mga players ay na-hire sa ‘technical staff’ sa Office of the Commissioner at maging sa Intelligence Group (IG) gayong ang trabaho lamang umano ng mga ito ay mag-coach sa palakasan sa larangan ng basketball at volleyball o sports cup na nilalahukan ng mga opisyal at empleyado ng tanggapan.
Kabilang sa mga ito ay ang mga retiradong PBA players na sina Marlou Aquino, Kenneth Duremdes, Eduard Joseph Feihl, Ronjay Enrile; Gheroem Ejercito, player ng Metropolitan Basketball Association; dating UST Tiger na si Michael Sumalinog; sa volleyball ay sina Ateneo Assistant Coach Parley Tupaz, Ateneo/ Creamline Assistance Coach Sherwin Meneses, National Team Player / Creamline player Alyssa Valdez; dating UP Lady Maroon Michiko Castañeda; dating National University Lady Bulldog /Creamline player Rizza Mandapat, dating Adamson player Fe Emnas at iba pa.
Gayunman duda naman ang mga mambabatas kung hanggang sa sports cup lamang ang ginampanan ng mga sikat na players.
Sinabi ni House Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu na walang masama na mag-hire ng mga atleta sa anumang posisyon sa BoC kung kuwalipikado ang mga ito.
Ayon kay Abu, hiniling na nila sa BoC na ipakita sa kanila ang 201 files ng nasabing mga sikat na players ng basketball at volleyball.
Kinumpirma naman ni Faeldon ang pagtatalaga sa nasabing mga sikat na players pero idinepensa ang naging desisyon kung saan ikinonsulta umano niya ang legalidad ng pagtatalaga sa mga ito pero wala namang nagsabing bawal ito sa batas.
Ang nasabing atleta ay nasa payroll ng BoC habang ang iba pa ay lumisan na sa Customs.
Samantala, hinamon kahapon ng mga senador si Faeldon na pangalanan ang sinasabi nitong mga mambabatas at ibang mga politiko na humihingi ng pabor para sa mga shipment na gustong arborin o kaya ay may mga gustong ilakad na tumaas ang posisyon sa Customs.
“He should name names and not issue a shotgun accusation. If indeed it is corruption, then he should name them and file cases against them if he is indeed serious in cleaning up his bureau,” ani Escudero.
Sinabi naman ni Senator Majority Leader Tito Sotto na hindi dapat malihis ang usapin sa isyu ng pagkakalusot ng P6.8 bilyong shabu.
“ The issue is that huge amounts of drugs come out of the BOC. Yun ang issue. Is corruption still rampant or is it incompetence? The lawmakers are not the ones running the bureau,” pahayag ni Sotto.