Pinas pinakamaraming kaso ng HIV sa Asya-UNAIDS
Male to male sex mayoryang sanhi
MANILA, Philippines - Kaugnay ng tumataas na bilang ng pagkakasakit ng Human immunodeficiency virus infection and acquired immune deficiency syndrome (HIV/AIDS), inihayag ng Joint United Nations Programme on HIV and AIDS (UNAIDS) na mayorya ng naitatalang bagong kaso nito sa Pilipinas ay buhat sa pagtatalik ng lalaki sa lalaki.
Ayon sa Philippine data ng UNAIDS nitong 2016, nasa 83% ng mga bagong kaso ng HIV ay buhat sa pagtatalik ng lalaki sa kapwa lalaki (males sex with males o MSM) at pagtatalik ng transgender woman sa lalaki (TGW). Mayorya sa mga tinatamaan ng impeksyon ay buhat sa edad 15 hanggang 24 taong gulang.
Ito ay makaraang magpahayag ng pagkaalarma ang UNAIDS sa antas ng bagong kaso ng HIV sa bansa na dumoble umano sa loog ng anim na taon. Mula sa tinatayang 4,300 kaso noong 2010, umakyat ito sa 10,500 kaso nitong nakalipas na 2016.
Dahil dito, itinuturing na ang Pilipinas ang may pinakamabilis na pagtaas ng HIV epidemic sa Asya at sa Pasipiko at isa sa walong bansa na nakapagtala ng higit sa 85% bagong impeksyon sa rehiyon.
Nabatid naman na binago na ng Pilipinas, partikular ang pagpapalawig ng programa at serbisyo ng Department of Health kontra HIV.
Kasama sa istratehiya ang pagtutok sa 117 lungsod na bumubuo sa 80% ng mga bagong impeksyon at pagbubukas sa bawat lungsod ng HIV clinic na maaaring makapagpatingin kahit sa gabi para sa mga pasyente na nagtatrabaho at paglulunsad ng mga “one-stop-shops” na nagbibigay ng impormasyon sa “prevention, counseling, laboratory work-up, at treatment services” na tatawaging “Sundown clinics”.
- Latest