Ozamiz mayor, misis, 13 pa utas sa raid

Mayor Parojinog

MANILA, Philippines - Napatay si Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr., misis nito at 13 pa matapos umanong kumasa sa isina­gawang raid ng pulisya sa mansion at farm ng mga Parojinog sa Misamis Occidental, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 10 Director P/Chief Supt. Timoteo Pacleb, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang salakayin ng Ozamiz City Police sa pangungu­na ni Chief Ins­pector Jovie Espenido at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 10 ang bahay ng alkalde sa San Roque Lawis, Ozamiz City.

Ayon kay Pacleb, isisilbi umano ng CIDG ang anim na search warrants sa alkalde at sa pamilya Parojinog dahil umano sa iligal na droga at mga armas nang sila ay paputukan ng mga tauhan ng opisyal.

“The serving PNP personnel were met with volley of fire from their security prompting PNP personnel to retaliate,” sabi ni Pacleb sa isang panayam.

Bukod kay Mayor Parojinog, nasawi rin ang misis nitong si Susan, Misamis Occidental Board Member Octavio Parojinog, civilian volunteers na sina Miguel del Victoria, Nestor Cabalan, Daniel D. Vasquez at iba pang kasapi umano ng private armed groups ng alkalde.

Arestado naman sa operasyon ang anak na babae ng alkalde na si Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Echavez at kapatid na si City Councilor Ricardo “Ardor“ Parojinog Jr.

Nabatid na ang search warrants ay para sa bahay ni Mayor Parojinog, Vice Mayor Parojinog-Echavez, City Councilor Parojinog, farm house ng mga Parojinog at Board Member Parojinog.

Bago ang raid ay nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na nagtatago ng mga loose firearms o samut-saring mga baril na walang lisensya ang mga Parojinog sa nasabing lugar.

Ayon kay Pacleb, aktong isisilbi ng mga ope­ratiba ang 6 search warrants sa bahay at farm ng maimpluwensyang angkan ng mga Parojinog sa Brgy. San Roque Lawis nang salubungin ang mga ito ng putok ng mga armadong tauhan ng alkalde habang kumakatok sa gate sa compound ng mansion ng mga Parojinog.

Dahil dito, sinabi ni Pacleb na nauwi sa mahigit na dalawang oras na palitan ng putok ang engkuwentro. Isa namang pulis ang nasugatan sa pagsabog sa palitan ng putok ng mag­kabilang panig.

Tumanggi umanong sumuko sina Mayor Parojinog na nakipagpalitan ng putok sa mga operatiba na siyang naging mitsa ng kanilang kamatayan.

Sa inisyal na ulat ay pito ang nasawi pero umabot sa 12 bangkay ang narekober sa crime scene, paglilinaw pa ng opisyal.

Kabilang sa mga nakumpiska sa raid ay isang shotgun, tatlong rocket propelled grenades, dalawang hand grenades, walong bala ng M79 at isang M79 rifle, shabu, aluminum foils, sealers at lighter.

May mga pera ring nakumpiska mula sa mga bahay ng mga Parojinog.

Matatandaan na min­san nang binanggit ni Pa­ngulong Duterte na kabilang sa mga narco-politicians sa Mindanao ang mga Parojinog. 

Napaulat ding girlfriend umano si Vice Mayor Nova ng high-profile Bilibid inmate na si Herbert Co­langco.

Show comments