MANILA, Philippines - Siniguro ng liderato ng Kamara na paparusahan at makakasuhan ang isang staff ng Mababang Kapulungan na nanutok ng baril sa isang pulis sa gitna ng traffic sa Quezon City.
Sinabi nina House Spea-ker Pantaleon Alvarez at Majority leader Rodolfo Fariñas, na bibigyan agad ng nararapat na aksyon at dadaan sa due process si Legislative Assistant II Bobby Villanueva.
Si Villanueva ay inaresto ng mga pulis matapos nitong tutukan ng baril si S/Insp. Rodolfo Madriaga sa gitna ng isang traffic altercation sa QC.
Nalaman din ng pulisya na hindi lisensyado ang dalang baril ni Villanueva.
Ayon naman kay House Sgt at Arms Roland Detabali na ang mga empleyado na pinapayagang magdala ng baril sa Batasan Complex ay iyong mga naka-assign sa security ng Kamara at mga naka-duty na security ni Alvarez at kung may permit to carry outside the residence tulad ng mga security ng mga kongresista.
Kaya giit ni Detabali, sakaling mapatunayan ng Mababang Kapulungan na may ginawang paglabag si Villanueva ay tiyak na mahaharap ito sa parusa.
Si Villanueva ay inireklamo rin dati ng mga kasamahan sa media dahil sa muntik na niyang masagasaan ang isang reporter sa Kamara dahil sa mabilis niyang pagpapatakbo ng kanyang luxury car.