MANILA, Philippines - Hindi lang mga iligal na droga ang nanumbalik sa National Bilibid Prisons (NBP) dahil nadiskubre ang ilang mga bagong gawang kubol sa isinagawang Oplan Galudad kahapon.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, agad niyang iuutos ang imbestigasyon kung paanong naitayo ang nasabing mga kubol na nasa loob ng medium security compound.
Naka-aircondition umano ang mga kubol at tiyempong itinayo kung kailan inilipat sa medium security compound ang ilang mga high profile drug convict na galing ng Building 14 at maximum security compound.
Kabilang sa nasamsam ang 229 cellphones, 369 patalim, P68,393, tatlong plastic sachet ng shabu, 799 pakete ng sigarilyo, sari-saring appliances at mga electronic gadgets.
Giit ni Aguirre, indikasyon ito na hindi lamang pagbabalik ng illegal drugs ang nangyayari sa loob ng NBP kundi ang pagtatayo ng mga bagong kubol.
Lumalabas umano na ang mga kubol na hindi pa mabatid kung ilan at kung sino ang mga may-ari ay naitayo nuong panahon ng pamumuno ng nagbitiw na si BuCor Director Benjamin delos Santos.
Nagtataka din si Aguirre kung bakit ngayon pa itinaon ang mga kubol kung kailan ililipat ang mga high profiles.
Ani Aguirre, hindi malinaw sa kanya kung bakit ang mga high profile drug lords ay inilipat sa medium security mula sa Bldg. 14 at maximum security.
Posible umanong galing sa dating namuno nito na si delos Santos ang pumayag ng paglilipat dahil hindi na umano siya nakikialam sa lipatan kung sa loob lamang ng NBP penitentiary.
Nagkakaroon lamang ng approval kung ililipat ng penitentiary o penal colony.