MANILA, Philippines - Pormal nang binuksan ng National Food Authority ang bidding para sa importasyon ng 250,000 metric tons ng bigas.
Ayon sa NFA, 18 rice traders ang makikiisa sa gagawing bidding ng ahensiya para dito.
May mahigit sa P5.6 bilyon ang nailaan ng ahensiya sa rice importation at nagbukas ng pintuan ang ahensiya para sa mas maraming kumpanya na makikiisa sa bididng gayundin sa maliliit na negosyante.
Nais ng NFA na makapag-import ng bigas upang mapunan ang buffer stock o imbak na bigas na gagamitin sa panahon ng lean months o walang anihan ng palay.
Hindi na aabutin pa ng ilang buwan ang stock na bigas ng NFA dahil sa pagre-release ng bigas sa mga biktima ng kalamidad at biktima ng karahasan sa Mindanao partikular sa Marawi.
Nilinaw ng NFA na bagamat may sapat na suplay na bigas ang bansa mula sa local farmers, kailangan pa ring mag-import upang may imbak na bigas para sa kanilang 15 day buffer stock requirement.
Una namang sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang SONA nitong Lunes na sa bidding ng government agencies ay dapat na ang highest bidder ang manalo at hindi ang lowest bidder dahil kapag lowest bidder ang nananalo sa bidding sa mga ahensiya ng pamahalaan, tiyak anya na may korapisyon dito.