Imee nagisa sa Kamara
MANILA, Philippines - Pinalaya na ng Kamara ang tinaguriang “Ilocos 6” matapos sumipot sa pagdinig si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos kaugnay sa paggamit ng P66.4 milyong tobacco excise tax para pambili ng mga sasakyan mula 2011 hanggang 2012.
Nagisa ng husto ng mga kongresista si Marcos at naungkat sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on good government and public accountability ang paraan ng pagbili ng mga sasakyan gamit umano ang mga cash advances.
Sinabi ni Marcos na hindi na niya matandaan ang lahat ng detalye sa transaksyon, pero naaalala raw niya na bumili sila ng 40 multicab, limang bus at 70 minitrucks na ipinamahagi sa mga magsasaka.
Ang nasabing mga binili ay inamin ni Marcos na hindi dumaan sa bidding dahil yung dalawang transaksyon ay direct contracting, na minsan ay pinapayagan ng Bids and Awards Committee.
Pinalaya naman sina Pedro Agcaoili, Josephine Calajate, Eden Battulayan, Encarnacion Gaor, Genedine Jambaro at Evangeline Tabulog matapos ipatanggal ni House Majority leader Rodolfo Fariñas ang contempt order.
Ang Ilocos 6 ay naditine sa Kamara simula noong Mayo 29 matapos silang ipa-contempt ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas dahil sa umano’y pagtanggi nilang makipag-cooperate sa nasabing pagdinig.
Kaugnay nito binawi naman ni Maros ang kanyang pahayag na P100 million ang inalok ng mga taga Liberal Party (LP) sa mga mambabatas para masiguro na makukulong siya dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa nasabing kontrobersiya.
Ito’y matapos na paulit-ulit na makiusap si Fariñas kay Marcos kung sino ang sources niya na nagsabi na may alok ng nasabing halaga ang mga taga LP sa mga kongresista para ikulong siya dahil kung hindi niya ibubunyag ay mapipilitan siya na ipa-contempt ang gobernadora.
Dahil dito kaya napilitan si Marcos na humingi ng paumahin sa mga kongresista at bawiin ang kanyang sinabi dahil ito umano ay kanyang suspetsa lamang.