Smoking ban suportahan – Palasyo

Sa kabila ng pagpapatupad ng nationwide smo­king ban kahapon, nasa larawan ang kamay ng isang lalaking may hawak na sigarilyo habang nasa isang “no smoking” area sa kahabaan ng UN Ave., sa Maynila. (Kuha ni Edd Gumban)

MANILA, Philippines - Hiniling ng Malacañang ang kooperasyon ng mamamayan sa pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 26 na nagtatakda ng nationwide smoking ban sa lahat ng public areas na nagsimula kahapon.

“The implementation of this EO is a realization of our dream of a tobacco-free future. Together, let us give our full cooperation and support to the smoke-free establishments in public and enclosed places,” sabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.

Sa ilalim ng EO, mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga public and private transportation utilities ma­ging sa iba’t ibang mga establisimiyento gaya ng mga paaralan, hospital, clinics, elevators, stairwells, areas na may fire hazards at sa mga lugar kung saan hinahanda ang mga pagkain.

Dapat maglagay na­man ng designated smoking areas ang mga estab­lisimyento na open at hiwa­lay na espasyo na may proper ventilation.

Bukod dito, babantayan din ng MMDA ang pagtitinda ng sigarilyo sa mga bisinidad ng mga paaralan sa Kamaynilaan. 

Base sa Republic Act 9211 o Tobacco Regulation Act, ipinagbabawal ang magtinda ng sigarilyo sa loob ng 100 metro mula sa mga paaralan. 

Sa isyu ng “vaping”, sinabi ng MMDA na wala pang abiso sa pagbabawal nito ngunit iginiit ng ahensya na dapat sundin ng mga “vapers” ang etiketa sa paggamit nito sa mga pampublikong lugar upang hindi makaapekto o maka­per­wisyo sa ibang tao. 

Una nang sinabi ng Department of Health na pinag-aaralan din nila ang posibilidad na pagbabawal nito sa pampublikong lugar makaraang matuklasan ng Food and Drugs Authority (FDA) ang panganib sa kalusugan na dulot ng vaping.

Show comments