PSG convoy inambus ng NPA

Tadtad ng bala ang windshield ng sasakyan ng PSG convoy na inambus ng NPA kahapon. Rhoderic Beñez

MANILA, Philippines - Isa ang patay habang limang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ni Pangulong Duterte ang sugatan nang maka-engkwentro ang New People’s Army (NPA) sa Barangay Gambudes sa bayan ng Arakan, North Cotabato.

Kinilala ang nasawi na si Ben Padia, miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), habang sugatan ang mga PSG na sina S/Sgt. Matumhay, Cpl. Ayam Alia, S/Sgt. Lisondor, Cpl. Rodel Ledesma at S/Sgt. Gerry Tursal.

Dinukot naman ng mga rebeldeng grupo na pinamumunuan ng isang Ka Jinggoy ang isang asset ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na kinila­lang si Rogelio Genon, 60.

Ayon sa ulat, sakay sa dalawang sasakyan ang 10 miyembro ng PSG sa pangunguna ni S/Sgt. Lancheta mula sa Camp Panacan, Davao City at patungong Cagayan de Oro City ng mapadaan sila sa NPA checkpoint na binabantayan ng may 100 miyembro ng NPA.

Ayon kay Col. Michael Aquino, PSG spokesman, nagpanggap umanong mga sundalo ang mga rebelde na nagsagawa ng checkpoint sa lugar gamit ang mga pekeng patches ng Army’s 3rd Infantry Battalion na may signage ng Task Force  Davao.

Nagkataon na dumaan din sa lugar ang convoy ng PSG na isang itim na Nissan Patrol at puting Ford 150 na isang customized bullet proof vehicle.

Nagduda na umano ang mga PSG men na hindi mga sundalo ang nag-checkpoint dahil sa paiba-iba ang pagkakalagay ng badge sa kanilang uniporme.

Ang hindi alam ng mga PSG na mga NPA ang mga nag-checkpoint sa lugar kaya nagkaputukan na. Tinadtad ng bala ng NPA ang sasakyan ng mga PSG.

Agad namang nakatawag ng reinforcement mula sa 39th IB at iba pang yunit ng Army na naka-assign malapit sa pinangyarihan ng insidente.

At nang dumating ang reinforcement, agad tumakas ang mga rebelde patungo ng Barangay Napaliko sa bayan pa rin ng Arakan.

Nang mabatid ng mga rebelde na si Genon ay civilian asset ng CIDG na nakabase sa Davao region, tinangay nila ito gamit ang mismo niyang sasakyan.

Narekober ang sasakyan ni Genon sa ibabang bahagi ng Barangay Gambodes pero ‘di na ito nakita sa lugar.

Patuloy pang inaalam ng Arakan PNP kung buhay o patay na ang tina­ngay na ex-Marine.

Inihayag naman ni Aquino na hindi bahagi ng advance party ni Pangulong Duterte ang kanilang mga tauhan na nakipagsagupa sa mga rebelde manapa’y bahagi lamang  ng administrative movement ng kanilang unit.

 

Show comments