MANILA, Philippines - Napamura kahapon si Senator Panfilo “Ping” Lacson nang hingan ng reaksiyon tungkol sa pagbabalik sa puwesto ni Supt. Marvin Marcos at 18 iba pang miyembro ng Philippine National Police na sangkot sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Ayon kay Lacson, ang mga katagang “put……..na” lamang ang maaaring makapag-lalarawan ng kabuuang pangyayari.
Sinabi pa ni Lacson na hindi lamang ibinalik sa puwesto si Marcos mayroon na rin itong “back-to-duty” status matapos pagsilbihan ang apat na buwang suspensiyon na masyadong mababaw bilang administrative penalty.
Sinabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na magbibigay ng maling senyales sa mga tiwaling miyembro ng pulisya ang pagbabalik kay Marcos sa puwesto.
Ayon din kay Senator Antonio Trillanes IV, hindi lamang pinakawalan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mamamatay tao, ibinalik na nito ang baril at tsapa ng mga ito na maaring magamit muli sa pagpatay.
Ipinagtanggol ng Malacañang ang pagbabalik ni Marcos sa serbisyo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na iginagalang at sinusunod ng Pangulo ang batas. Pinagsilbihan na anya ni Marcos ang suspension at kuwalipikado na itong bumalik sa trabaho.
Sinabi ni Pangulong Duterte hindi niya papayagan ang sinumang pulis o sundalo na makulong at makasuhan dahil lamang sa pagsunod sa kanyang kautusan sa kampanya niya laban sa illegal drugs.