De Lima kay Duterte: May hangganan ang lahat
MANILA, Philippines — Punung-puno ng kasinungalingan ang naging unang taon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto, ayon sa isa sa matitinding kritiko niyang si Sen. Leila de Lima
Sinabi ng nakakulong na senadora na naging masalimuot ang bansa sa ilalim ng pamumuno ni Duterte lalo na't maraming pangako ang hindi natupad.
“Isang taong mga kasinungalingan. Isang taong panggigipit. Isang taong pagmumura at pambabastos. Isang taong mga pangakong napako. Lalo na yung mga kasinungalingan. Fake cases. Lalo na itong mga paratang sa akin. Fake cases, fake news,” sambit ni de Lima pagkalabas ng Muntinlupa City court kung saan naurong ang kaniyang arraignment sa Agosto.
Muli rin niyang binatikos ang madugong kampanya laban sa ilegal na droga kung saan libu-libo na ang nasawi.
Sa ilalim ng pamumuno ni Duterte ay dumami rin umano ang extrajudicial killings.
“Makalipas ang isang taon, nasaan na tayo? Nagresulta lang ang inyong 'war on drugs' sa pagpatay at patuloy na pagpatay ng libu-libong Pilipino—karamihan ay mga maralitang walang kalaban-laban, kabilang ang mga inosenteng bata,” dagdag ni de Lima.
Nanawagan din ang senadora sa pag-papanagot nang naaayon sa batas ng mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng ilegal na droga.
“Itigil na ninyo ang mga patayan! Maaaring magpatuloy ang kampanya laban sa droga nang walang EJK at pag-abuso sa karapatang pantao. Ang tugisin ninyo, sa pamamaraan na sang-ayon sa batas, ay yung mga tunay at malalaking drug lords at drug dealers at ang mga protektor nila sa pamahalaan, kapulisan at military,” sabi ni de Lima.
Nakakulong ngayon sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame si de Lima dahil sa umano'y pakikipagsabwatan niya sa mga drug lord ng New Bilibid Prison.
Itinanggi ito ng senadora at sinabing siya ang kauna-unahang political prisoner ng administrasyon.
“May hangganan ang lahat, Ginoong Pangulo," sabi ni de Lima.
- Latest