Babaeng hostages ginagahasa na ng Maute

Ibinulgar kahapon ni Lt. Col. Jo-ar Herrera, spokesman ng Joint Task Force (JTF) Marawi na, bukod sa ginagamit na mga ‘looters‘ ang mga bihag ay pinipilit din ang mga kababaihan na magpakasal sa kanilang mga miyembro. File

MANILA, Philippines -  Pinipilit umano ng Mau­te-ISIS ang mga kababaihang hostage na magpakasal sa kanilang mga miyembro para gawing sex slaves.

Ibinulgar kahapon ni Lt. Col. Jo-ar Herrera, spokesman ng Joint Task Force (JTF) Marawi na, bukod sa ginagamit na mga ‘looters‘ ang mga bihag ay pinipilit din ang mga kababaihan na magpakasal sa kanilang mga miyembro.

“Pinipilit nila yung mga hostages to Balik Islam (Muslim converts) or reverted to Islam and worse thing cases of female hostages were force to marry the Maute terrorists so they are being forced to sex slave to destroy the dignity of these women, ito ang nangyayari sa loob, so this is very evident,” ani Herrera.

Ito ang kanilang nabatid base sa testimonya ng nakalayang hostages, pinakahuli dito ang pito pang nasagip ng tropang gobyerno kahapon.

“The hostages were tasked to loot houses, establishment unang-una mga ammunition, firearms, gold cash, jewelries, eto yung mga tasks na ibinibigay ng mga Maute sa kanila (hostages),” pagsisiwalat ni Herrera.

Ayon kay Herrera mula alas-7 ng umaga hanggang alas-11 ng tanghali ay pinagnanakaw ang mga bihag sa mga inabandonang bahay ng mga nagsilikas na residente at pagdating ng alas-12 matapos mananghalian dakong alas-3 naman ng hapon ay ginagamit ang mga ito sa frontline para makipagbarilan sa tropa ng mga sundalo.

“The hostages were issued firearm pinipilit nila yung mga hostages to bring firearms, they were forced to fight government security forces,” ani Herrera.

Sa kasalukuyan, ayon kay Herrera ay umaabot na sa 1,711 ang nasagip na sibilyan na na-trap sa battle zone.

Naputol na rin umano ang supply ng mga bala at medical supplies ng Maute-ISIS matapos mahuli ang supplier ng mga ito sa Lanao Lake sa kasagsagan ng opensiba.

Inihayag pa ni Herrera, hindi na magtatagal ang krisis sa Marawi City nga­yong naputol na ang supply ng mga bala ng teroristang grupo.   

Show comments