MANILA, Philippines - Bilang tulong sa mga kababayan nating nagnanais na madagdagan ang kaalaman sa pagsasaka at pangingisda ay nagkapit-bisig ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ang Department of Agriculture (DA) upang maitatag ang Agricultural Training Institute (ATI) Farm School sa MiMaRoPa Region.
Inatasan din ni TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong ang lahat ng regional at provincial director na pasiglahin ang farm school sa kanilang mga nasasakupang lugar upang mas marami pa ang magkaroon ng interes dito.
Bukod dito, isinagawa din ang ground breaking ceremony ng ATI Dormitory at ang ribbon cutting ng ATI-Center for Agriculture and Fishery Extension (CAFÉ) Hall sa ATI MiMaRoPa Compound, Barcenaga, Naujan, Oriental Mindoro. Kabilang sa mga dumalo at nagbigay ng mensahe sa ginanap na pagdiriwang sina Senator Cynthia Villar, Governor Alfonso Umali, Jr., Naujan, Oriental Mindoro Mayor Atty. Mark Marcos at iba pang mga opisyal ng ATI at TESDA.
Ayon kay Villar, isa sa mga usapin ngayon ang food security kaya’t nakikipagtulungan ngayon ang senadora sa TESDA at iba pang government agencies upang magkaroon ng kaalaman ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga training institutions sa bansa.
“Our farmers are not workers, they are entrepreneurs. Through farm schools, we train our farmers not only how to produce more using different techniques but also how to manage their farms’ affairs more effectively. They will need to learn how to grow more rice at lower cost”, sabi pa ni Villar.
Kasabay nito, ipinakilala rin ang unang batch ng agriculture graduates na nagmula sa Gelacio I Yason Foundation, kinilala rin ang mga outstanding farm school sa naturang rehiyon at nagbigay ng scholarship sa mapapalad na residente.
Nagsagawa din ng signing ng RFT (Request For Tender) para sa scho-larship program ng iba’t ibang agri-fishery courses sa 14 na farm school sa rehiyon habang nabigyan naman ng CTPR (Certificate of TVET Program Registration) ang 12 farm school sa MiMaRoPa.