Patay sa Marawi umakyat na sa 310

Nagdaos ng rali ang mga miyembro ng Kabataan Para Sa Kapayapaan sa Mindanao (KALINAW) sa kahabaan ng Morayta sa University Belt, Manila para manawagan sa gobyernong Duterte na alisin na ang Martial Law sa buong Mindanao. (Edd Gumban)

MANILA, Philippines - Pumalo na sa 310 ang nasasawi sa patuloy na krisis sa lungsod ng Marawi na nasa ika-25 araw na matapos na 19 pang Maute ang mapatay sa pakikipagbakbakan sa security forces.

Sa report ni Joint Task Force (JTF) Commander Brig. Gen. Rolando Joselito Bautista, nadagdagan din ng isa ang nasawi sa tropang gobyerno na naitala na sa 59 sundalo at pulis.

Nasa 26 sibilyan naman ang napaslang habang ang malaki pang bilang ng mga nalagas sa panig ng mga inosenteng residente ay kasalukuyan pang bineberipika.

Ayon kay Bautista, sa kabuuan ay nasa 225 terorista na ang nasawi matapos madagdag ang 19 pa.

Umaabot naman sa 1,629 ang mga nasagip na sibilyan na kabilang sa mga hostage at na-trap sa bakbakan.

Nakarekober naman ang tropa ng pamahalaan ng 208 mga armas na karamihan ay matataas ang kalibre.

“We continue rescue of trapped residents,” ani Bautista kung saan ay patuloy rin ang pagrekober sa mga nabubulok na bangkay ng mga sibilyang biktima sa trahedya. Sa 96 barangay sa Marawi City ay nasa apat na lugar na lamang ang sentro ng bakbakan.

Nasa huling yugto na anya ang operasyon at inaasahang hindi na magtatagal ay manunumbalik na ang kapayapaan at maibabalik sa normal ang pamumuhay ng mga residente.

Show comments