Digong, Leni mangunguna sa Independence Day

Nagsagawa ng rehearsal sa flag raising ang mga tauhan ng Philippine Navy sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Luneta, kahapon. Pangungunahan ngayon ni Pangulong Duterte at Vice Pres. Leni Robredo ang ika-119 taong pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. (Edd Gumban)

MANILA, Philippines - Pangungunahan ngayong umaga ni Pangulong Duterte kasama si Vice Pres. Leni Robredo ang pagdiriwang ng ika-119 Araw ng Kalayaan sa Rizal Park, Maynila.

Inanunsiyo din ng Malacañang na kinansela ang Vin d’honneur dahil babalik ng Mindanao si Pangulong Duterte matapos ang flag raising sa Rizal Park.

Bandang alas-8:00 ng umaga ang pagtataas ng watawat sa Rizal Park habang ang ilang gabinete naman ay pangungunahan ang flag raising sa iba’t ibang lugar gayundin ang ilang senador.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, matapos ang flag raising sa Luneta Park ay agad na babalik ang Pangulo sa Mindanao.

Magpapatupad naman ng Day of Silence ang Malacañang bilang paggalang sa 13 Marines na nasawi noong Biyernes sa pakikipaglaban sa Maute group sa Marawi City.

Kanselado din muna ngayon ang Min­danao Hour sa Malacañang.

 

Show comments