Ina ng Maute bros., 2 pa timbog sa checkpoint
MANILA, Philippines - Naaresto ng security forces ang ina ng Maute brothers at dalawa pang sugatang fighters ng teroristang grupo matapos maharang ang sinasakyan ng mga ito sa checkpoint habang papatakas sa highway ng Brgy. Kormatan, Masiu, Lanao del Sur nitong Biyernes ng gabi.
Ayon kay P/CSupt. Reuben Theodore Sindac, hepe ng Autonomous Region in Muslim Mindanao Police Regional Office, naaresto na nila si Ominta Romato Maute alyas Farhana, kasama ang pitong iba pang babae.
Naaresto ang mga ito sa kanilang pinagtataguan sa Brgy. Dayawan sa Masiu kung saan nakuha rin sa kustodiya nila ang ilang mga armas, ilang piraso ng improvised explosive device at isang sasakyan.
Magugunitang nauna ng naaresto ang ama ng mga Maute brothers na si Cayamora Maute sa Davao City.
Sa ulat ng intelligence community, napag-alaman na bumili ng sasakyan at mga armas si Farhana dahil gagamitin sana nila sa kanilang pagtakas sa Lanao del Sur.
Nakabili ito ng gray Toyota Revo na gagamitin nila sa kanilang pagtakas na dadaan sana sa Bukidnon gamit ang Wao, Lanao del Sur na gateway habang nasa Barangay Kormatan sa bayan ng Masiu pero kahapon tuluyan silang naaresto sa Barangay Dayawan.
Inihayag naman ni AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla Jr. na ang Maute matriarch at dalawang sugatang Maute fighters ay ililipat ng kulungan sa Cagayan de Oro City at maaring ibiyahe rin sa Metro Manila.
Una nang nasakote noong Martes ang ama ng Maute brothers at pitong iba pa sa checkpoint naman sa Davao City. Ang mga ito ay inilipat ng kulungan sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
- Latest