MANILA, Philippines - Tinanggap ni Pangulong Duterte ang alok ni MNLF Chairman Nur Misuari na sumanib sa gobyerno ang 2,000 fighters nito upang lumaban sa Maute group sa Marawi City.
Sinabi ni Pangulong Duterte sa media interview kahapon sa Subic Bay Freeport, nagkausap sila ni Chairman Nur kamakalawa ng gabi at inalok ang tulong ng MNLF fighters upang tumulong sa pakikipaglaban sa Maute group.
“He (Misuari) has offered to ask his troops of the MNLF, the able-bodied ones still, to fight with government, and I accepted the offer,” wika pa ni Duterte sa mediamen sa ginawa nitong pagbisita sa Japanese warship JS Izumo at Alava Pier sa Subic Bay.
“He has offered 2,000 and I said I’m willing to take in 2,000 as regular members of the Armed Forces of the government,” dagdag ng Pangulo.
Inalok din ni Duterte ang NPA na sumuko at pumanig sa gobyerno sa paglaban sa Maute.
“That offer also goes to the NPAs. Kayong ayaw na ninyong mag-away—I’m not asking you to join my force, you just surrender and I will give you the houses, and I will expand the Land Reform program of the government. Ako na maghahanap ng pera,” giit pa ni Pangulong Rody.
“‘Yung gustong magsundalo, kung ano ‘yung ranggo mo do’n, ‘yun ang ranggo mo dito. I’m not taking in generals. Ibig sabihin, ‘yung rank-and-file, if you desire to surrender and fight with the government forces, I am taking them in,” sabi pa ni Duterte.
“They are at war with us. But if they decide to side with us, then maybe I can solve a little bit of the problem,” paliwanag pa ng Pangulo.
Inulit din ni Duterte na kung siya lang ang masusunod ay kayang pulbusin ng gobyerno ang Maute sa loob ng 24-oras pero ikinukunsidera nito ang mga sibilyan na naipit sa labanan.
Giit ng pangulo na naging limitado ang galaw ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas dahil signatory ito ng United Nations at Geneva Convention protocols kaya maingat sa mga hakbang na ipinatupad laban sa mga terorista.
Tiniyak naman ni Duterte na nasa kontrol ang gobyerno upang bigyan ng sapat na seguridad ang kaligtasan ng sambayanan.